Wp/fil/Pilipinas

From Wikimedia Incubator
< Wp‎ | filWp > fil > Pilipinas
Jump to navigation Jump to search
Lokasyon ng Pilipinas sa daigdig

Ang Pilipinas (Ingles: Philippines), opisyal na tinutukoy na Republika ng Pilipinas (Ingles: Republic of the Philippines) ay isang estado sa Timog-silangang Asya sa may kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko. Sa hilaga nito, sa kabilang dako ng Kipot ng Luzon ay ang Taiwan, sa kanluran naman sa kabilang dako Dagat Timog Tsina ang Vietnam. Ang Dagat Sulu sa timog-kanluran ay nasa pagitan ng bansa at Borneo, at sa timog naman ito'y hinihiwalay ng Dagat Celebes sa Indonesia. Sa silangan ng bansa ay ang Dagat Pilipinas. Ang lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire at ang tropikal na klima nito ay nagdudulot ng mga malimit na paglindol at pagbagyo, sa kabilang banda ito'y biniyayaan ng mga likas na yaman at ang saribuhay nito ay isa sa pinakamayaman sa buong daigdig. Binubuo ng 7,107 pulo ang buong kapuluan na pangunahing nahahati sa tatlong bahagi: Luzon, Visayas at Mindanao. Maynila ang kabisera ng bansa.

Sa populasyon nitong 92 milyon,[1] ang Pilipinas ang ika-7 pinakamataong bansa sa Asya at ika-12 naman sa buong mundo. May karagdagang 12.5 milyong Pilipino ang naninirahan sa ibayong-dagat.[2] Samu't-saring lahi at kultura ang matatagpuan sa buong kapuluan. Noong panahon bago ang kasaysayan, ang mga Negrito ang mga unang nanirahan sa kapuluan. Ito'y nasundan ng iba't-ibang mga Austronesiano na nagdala ng mga impluwensiyang Malay, Hindu at Islam. Dala naman ng kalakalan ang mga impluwensiyang Tsino na nanatili hanggang sa ngayon.

Watawat ng Pilipinas

Ang pagdating ni Fernando Magallanes noong 1521 ang naghudyat ng pananakop ng mga Español sa kapuluan. Noong 1543, ang manggagalugad na si Ruy Lopez de Villalobos ang nagbansag sa kapuluan na Las Islas Filipinas bilang pagpaparangal kay Felipe II ng España. Dumating si Miguel Lopez de Legazpi noong 1565 at sinimulan niyang patibayin ang kapangyarihan ng España sa kapuluan, na nanatiling kolonya nito sa mahigit na 300 taon. Naging sentro ang Maynila ng kalakalan sa Asya ng kalakalang Galeong Maynila-Acapulco. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, nagkasunud-sunod ang Himagsikang Pilipino na nagsilang sa panandaliang Unang Republikang Pilipino; ang Digmaang Español-Amerikano at ang huli ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Sa huli, nanaig ang Estados Unidos. At maliban lang noong sakupin ng Japan ang Pilipinas, ang Estados Unidos ang tumayong soberano ng bansa hanggang sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang makamit na nito ang kasarinlan. Magmula noon, madalas na naging magulo ang karanasan nito sa demokrasya. Minsan nang pinatalsik ng "people power" ang diktadurya ngunit pinakita nito ang kahinaan ng institusyon ng republikang konstitusyonal na ito nang muli itong maulit pa.

Sanggunian[edit]

  1. (en) "The 2010 Census of Population and Housing Reveals the Philippine Population at 92.34 Million." National Statistics Office, 4 Abr. 2012. Web. 03 Ago. 2012.
  2. (en) Frialde, Mike, and Christina Mendez. "Global Pinoys to Rally at Chinese Consulates." The Philippine Star, 27 Abr. 2012. Web. 03 Ago. 2012.