Wn/tl/Torre De Manila, Pinagigiba

From Wikimedia Incubator
< Wn‎ | tl
Wn > tl > Torre De Manila, Pinagigiba

05 Setyembre 2014

Binabalak na ng iba't ibang mga grupo ang mga legal na mosyon para ipatigil at ipagiba ang pagpapatayo ng Torre de Manila ng DMCI Homes, na siyang sumisira diumano sa tanawin ng Liwasang Rizal.

Ang Knights of Rizal ang isa sa mga grupong nagpahayag na maghahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa gusali.

Matapos nilang ipaalam sa isang pandinig sa Senado ang kanilang balak ay pinayuhan sila ni Senadora Pia Cayetano na konsultahin si Pangkalahatang Manananggol Florin Hilbay ukol sa mga legal na opsyon.

Kasama sa mga opsyon ang pagpapagiba sa nasabing condominium.

Ngunit inamin ng grupo na isa itong "suntok sa buwan", bagaman ipagpapatuloy pa rin nila ang mosyon.

Bago pa man maitayo ang nasabing gusali, marami nang mga grupo at mga indibidwal ang nagpahayag ng pagtututol sa nasabing pagpapatayo.

Sa kabila nito, pinayagan pa rin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang DMCI Homes na ipatayo ang gusali.

Ayon kay Cayetano, nakagawa ng "maling pagtitiwala" ang DMCI dahil sa pagpapatuloy na pagpapatayo ng condminium sa isang lugar kung saan hanggang pitong palapag lamang ang pinapahintulutang taas ng gusali.

Ang Torre de Manila, na matatagpuan sa likod lamang ng Liwasang Rizal pagtawid ng Abenida Taft, ay may taas na 46 palapag.

Dagdag pa ni Cayetano, dapat magbayad ang DMCI ng daimyos dahil sa mga pinsalang itinamo nito at maging sa mga pinsalang gagawin pa nito sa hinaharap sa kalikasan at sa ibang tao, dahil nasasaad ito sa batas.

Aniya, pinayagan diumano ng pamahalaang lungsod ang DMCI na lumihis sa naunang pahintulot sa pamamgitan ng isang iksemsyon.

Dismayado ang dating kalihim ng turismo na si Gemma Cruz Araneta, isang supling ni Rizal, kung bakit hindi makuhang gayahin dito ng mga tagapagtayo ang kanilang pagkamangha sa mga pamanang pook sa ibang bansa.

Sa Internet, binansagan ang gusali bilang "Terror de Manila" at "Pambansang Photobomb" dahil sa masamang epekto nito sa tanawin ng Liwasang Rizal. May isa ding kampanya na pinapatakbo sa Change.org na naglalayon na ipatigil ang pagpapatayo ng nasabing gusali.

Sa bansang TUrkey naman, tatlong mga magagarang condominium ang ipinag-utos na ipagiba ng korte suprema. Ang Onalti Dokuz, na natapos kamakailan lang, ay ipinag-utos na ipagiba dahil sa "pagsira" nito sa tanawin ng Istanbul, kung saan tampok ang Moske ng Sulyemaniye.

Talasanggunian[edit | edit source]