Wn/tl/Senador Bong Revilla, nakapiit na sa Kampo Crame sa kasong pandarambong
20 Hunyo, 2014
Nakapiit ngayon ang Senador na si Ramon "Bong" Revilla Jr. sa Kampo Crame simula ngayong hapon.
Sa Yunit 1 ng PNP Custodial Center nilagay ang Senador, , na isa sa mga tatlong senador na kasangkot sa 10-bilyong pisong Pork Barrel scam.
Dumating si Revilla sa Kampo Crame noong Biyernes ng hapon, ilang oras matapos siyang personal na sumuko sa Sandiganbayan kaugnay ng mga kasong pandarambong at pangunguwaltang sinampa laban sa kaniya.
Isinailalim si Revilla sa pagtatala sa multipurpose hall ng Kampo Crame. Doon din siya isinailalim sa pagssuri sa kaniyang katawan at kalusugan.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Punong Tagapamanihala Reuben Theodore Sindac, lumabas sa unang pagsusuring medikal ni Revilla na siya ay "normal maliban sa bahagyang alta presyon".
Sinabi niya na ang presyon ng dugo ni Revilla ay 140 sa 90, at "wala siyang anumang panlabas na tanda ng pagkasugat".
Matapos siyang itala, ay binigyan si Revilla ng pagkakataon na makapiling ang kaniyang pamilya. Dagdag pa nito, pinahintulutan ng PNP ang kaniyang asawa, si Kongresista Lani Mercado, at maging ang kaniyang mga anak, na pumasok sa selda ni Revilla bagaman lagpas na sa nakatakdang oras ng pagbisita.
Ang oras ng pagbisita ay nakatakda mula ika-9 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon. Hindi pinapayagan din na ipasok ang anumang kagamitang elektroniko, miski cellphone, at ang mga ito ay kailangang ipaiwan.
Bago magtanghali ay sumuko na si Revilla sa Sandiganbayan, matapos lagdaan ng korte kontra pangunguwalta ang warrant of arrest laban sa kaniya kagnay sa kaniyang pagkakadawit diumano sa 10-bilyong pisong pork barrel scam. Ilang ulit din niyang itinanggi ang paratang na ito laban sa kaniya.
Maliban kay Revilla, kasama ding ipiniit sa kapareho ding selda, sa ngayon, ang isa niyang tauhan at isa pang kasabuwat sa nasabing pork barrel scam.
Idinala si Abogado Richard Cambe sa custodial center bandang 7:30 ng gabi matapos iproseso sa tanggapan ng Pangkat sa Kriminal na Pagsisiyasat at Paniniktik (CIDG). Inabot ng 30 minuto ang pagpoproseso kay Cambe, na siya ding sumuko sa Sandiganbayan noong umagang iyon.
Sanggunian
[edit | edit source]- Revilla, aide detained at Camp Crame over pork barrel scam raps. Locsin, Joel. GMA News. Nilathala 20 Hunyo 2014. Kinunan 2014-06-20